AFP, umaasang maipararating ni Pang. Duterte kay Pres. Xi ang pagdaan ng barkong pandigma ng China sa Sibutu Strait

Tiwala ang Armed Forces of the Philippines o AFP na sa pamamagitan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay mapararating kay Chinese President Xi Jinping ang walang pakundangang pagdaan ng mga Chinese warship sa Sibutu Strait.

Ito ay sa harap na rin ng napipintong muling pagbisita ng Punong Ehekutibo sa ika-limang pagkakataon sa China na posibleng mangyari sa huling bahagi ng buwan ng Agosto.

Sinabi ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Noel Detoyato, sa kakaibang istratehiya ng Pangulo pagdating sa foreign policy, natitiyak nitong masasabi ng pangulo kay Xi ang usapin sa positibong pamamaraan.

Una nang nagpahayag ng pagkasuya si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa mistulang pambabastos ng barkong pandigma ng China sa mga umiiral na batas ng Pilipinas.

Nilinaw naman ni Lorenzana na walang masama kung daraan lang ang mga barko ng alinmang bansa sa bahagi ng Sibutu at Balabac strait kahit walang paalam dahil daanan talaga ito ng mga barko.

Subalit, binigyang-diin ni Lorenzana na kung daraan man ang mga barkong pandigma tulad ng sa China, huwag naman sana nilang patayin ang kanilang AIS o Automatic Identification System.

Read more...