Sen. Ralph Recto, suportado ang apela ng MMDA na magdagdag ng mga tauhan

Paniwala ni Senate President Pre Tempore Ralph Recto na napakahalaga na gawing prayoridad ang pagkuha ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga karagdagang tauhan para sa pagmamando ng trapiko sa Metro Manila.

Ayon kay Recto, kapos nang 5,000 na traffic personnel ang MMDA dahil 2,000 lang ang mayroon sila ngayon sa kailangan nilang 7,000.

Aniya, dahil sa pagdami ng mga sasakyan, kailangan na ng “round-the-clock and rain-or-shine” na mga MMDA personnel hanggang gabi.

Binanggit din ni Recto ang pagtaas ng bilang ng mga aksidente sa kalsada na umabot sa higit 110,000 noong 2017.

Makabubuti aniya kung aambunan ang MMDA sa taunan nilang kita na P168 milyon para makakuha ng mga karagdagang tauhan.

Ngunit, pagdidiin ni Recto, ang magandang solusyon ay dagdagan ang pondong nakukuha ng MMDA mula sa gobyerno sa pamamagitan ng General Appropriations Act.

Aniya, higit sa P7 bilyon na nakuha ng MMDA noong 2018 mula sa national budget at kontribusyon ng mga local government unit (LGU) sa Kalakhang Maynila, kasama pa dito ang gastusin sa flood control, dredging ng mga estero, operation ng pumping stations, traffic light systems at emergency response.

Sabi pa ni Recto, magandang mapag-usapan sa 2020 budget hearings ang tamang paggamit ng pondo ng MMDA.

Read more...