Katanggap-tanggap para sa mga manufacturer ng mga alak ang pagtataas ng buwis sa mga nakalalasing na inumin.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda, sa January 2020 nakatakda nang simulan ang pagpapatupad ng mas mataas na buwis sa beer, wine at iba pang uri ng alcohol o mga inuming nakakalasing.
Sinabi ni Salceda na mas suportado nga ng mga kumpanyang gumagawa ng alak at beer ang bersyon ng Kamara kaysa sa bersyon ng Department of Finance (DOF) na mas mataas ang buwis na ipapataw.
Ayon kay Salceda, maliban sa makatutulong sa Universal Health Care ang dagdag-buwis na makukuha ng gobyerno mula sa mga nakalalasing na inumin ay marami pa itong maitutulong.
Aniya, mababawasan din ang bilang ng mga nasasawi nang dahil sa pagkalasing o ang alcohol-related deaths.
Maging ang pagtaas ng bilang ng mga kabataang nag-iinom ay maaring maawat dahil sa mas mataas na presyo ng alak.
Inaasahan din na kapag nabawasan ang bilang ng mga umiinom ng alak dahil sa mas mahal na presyo ay mababawasan din ang kaso ng karahasan laban sa mga kababaihan.
Base kasi sa pag-aaral ang pananakit ng mga mister sa kanilang mga asawa ay kadalasang dahil sa kalasingan.