Kumpirmadong patay ang isang 82-anyos na lolo sa Japan matapos mahulog mula sa bangka sa Hiroshima habang nananalasa ang Severe Tropical Storm Krosa.
Tumama ang bagyo sa southern Hiroshima region taglay ang bugso ng hanging aabot sa 126 kilometro bawat oras.
Apatnapu katao na rin ang naitalang nasugatan sa 13 prefectures kabilang ang isang lalaki na nasa edad 50 na naputulan ng binti.
Sa television footages, makikita ang pagbuwag ng malakas na hangin sa mga puno at poste.
Ang malalakas na alon ay nagpalubog din sa isang 10-metrong lighthouse at maraming ilog na rin ang umapaw at nagpabaha sa mga kalsada.
Ayon kay disaster management official Takoyoshi Sugimoto, inaasahan pa ang malalakas na ulan hanggang Biyernes ng tanghali kaya dapat maging mapagmatyag ang mga residente.
Tutungo ang Severe Tropical Storm Krosa. Sa Chugoku region bago lumabas patungong Sea of Japan.
Bago pa tumama ang bagyo, ipinag-utos ng gobyerno ang paglikas ng nasa 430,000 katao.
Suspendido na ang higit 720 flights, bullet train services at maging ang biyahe ng mga ferry.