Militar: Pagdaan ng Chinese warships sa karagatan ng bansa isang ‘security threat’

Itinuring ng isang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ‘security threat’ ang ginawang pagdaan ng Chinese warships sa bansa ng walang diplomatic clearance.

Ayon kay AFP spokesperson Brigadier General Edgard Arevalo, hindi alam ng Pilipinas kung ano ang eksaktong ginagawa ng Chinese warships sa bansa.

Limang barkong pandigma ng China ang namataan sa Sibutu Strait, Tawi-Tawi noong July 2 at nito lamang Agosto.

Hindi naniniwala si Aravelo na ‘innocent passage’ ang naganap dahil hindi naman diretso at hindi maikli ang ruta na tinatahak ng mga barko.

Paliwanag ni Aravelo, lumipad ang air assets ng Philippine Navy para bantayan ang mga barko at nang maramdaman ang kanilang presensya ay agad na tumungo ang mga ito sa direksyon papalabas ng bansa.

Pinatay din ng mga barko ang automatic identification systems ng mga ito na magagamit sana ng militar para makakuha ng impormasyon.

Hindi rin umano sumagot ang Chinese vessels sa radio calls ng Western Mindanao Command (Wesmincom) na isang protocol sa lahat ng mga barkong naglalayag.

Dahil dito, sinabi ni Arevalo na dapat ikonsidera ang mga insidente bilang banta sa seguridad.

Nagsumite na ang AFP ng ulat kay Pangulong Rodrigo Duterte at kay Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin sa pamamagitan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana.

Ayon kay Arevalo, magiging basehan ang kanilang ulat ng mga gagawing aksyon laban sa ‘trespassing’ na mga barko.

 

Read more...