Umaasa si Vice President Leni Robredo na mapapawalang-sala si Senadora Leila de Lima sa kinakaharap na kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Sa isang panayam sa ika-pitong anibersaryo ng pagkamatay ng kaniyang asawang si dating DILG Secretary Jesse Robredo, inihayag ng bise presidente ang pagnanais na madesisyunan na ang kaso ni De Lima.
Wala aniyang basehan ang kasong isinampa laban sa senador.
Sa kabila ng pagkakakulong, nakakapaghain pa rin aniya ng mga panukalang batas si De Lima para sa bansa.
Ngunit, sinabi ni Robredo na mas maiging personal siyang makapag-debate at makaboto sa Senado.
Dagdag pa nito, patuloy aniya ang pagdarasal para sa kaligtasan at pagiging matatag ng loob ng senador.
Samantala, welcome rin sa bise presidente ang desisyon ng Muntinlupa Regional Trial Court na payagang mabisita ng senador ang ina na maysakit.