Pulis, kulong makaraang tutukan ang kanyang opisyal

 

Kakulong ang napala ng isang pulis matapos niyang tutukan ng baril ang kaniyang team leader noong bisperas ng Pasko sa kanilang presinto sa Sta. Quiteria, Tulyahan Road sa Quezon City.

Bukod sa kasong administratibo na grave misconduct, nahaharap rin sa mga kasong grave threat at unjust vexation si PO1 Gregorio Rollan Jr.

Lilipasan ng Bagong Taon si Rollan sa piitan dahil kailangan niya pang hintayin na magbalik ang court hearings para makapagpiyansa siya na tinatayang magkakahalaga ng P14,000.

Ayon kay SPO2 Joel Montebon, kasalukuyang naka-relieve si Rollan sa kaniyang posisyon sa community precint 7.

Ayon sa hepe ng presinto na si Chief Inspector Avelino Protacio, nakaargumento ng lasing na si Rollan ang kaniyang superior na si SPO2 Edilberto Safuentes na pinagalitan siya dahil sa pakikipag-inuman sa tapat ng presinto.

Nakasaad sa kaniyang affidavit na sinabihan ni Safuentes si Rollan na itabi na ang mga bote ng alak pero hindi umano siya pinansin nito at sinabing wala siyang pakialam kung team leader niya si Safuentes.

Nagpatuloy ang bangayan ng dalawa kung saan sinundan pa ni Rollan si Safuentes sa kaniyang opisina at tinutukan ng baril.

Kalaunan ay nahimasmasan rin si Rollan pero inaresto na siya ni Safuentes at dinala sa Caloocan City Investigation Unit para doon na imbestigahan at ipiit.

Ani Montebon, kadalasang nawawala sa tamang huwisyo si Rollan tuwing nakakainom.

Read more...