Biyahe ng railway system sa bansa target na triplihin sa 2022

Nasa isang milyon lamang mula sa 20 million trips sa Metro Manila ang nahahagip ng railway system.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Transportation undersecretary Timothy John Batan na sa 20 million trips, 14 million trips dito ang hagip ng public transport pero isang milyong trips lamang ang nakukuha ng railway system.

Ayon kay Batan, ito ang dahilan kung kaya pursigido ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na dagdagan pa ang railway system sa bansa.

Sa ngayon, mayroon lamang ang bansa na MRT 3, LRT 1 at 2 at Philippine National Railway.

Puspusan aniya ang administrasyong Duterte na matapos na ang konstruksyon ng LRT 1, Cavite extension, MRT 7, Subway, Subic Clark Railway, PNR Clark-Calamba, PNR Bicol at Mindanao railway.

Ayon kay Batan, mula sa 77 kilometers na railway, target ito ng administrasyon na itaas sa 1,144 kilometers pagsapit ng taong 2022.

Kumpiyansa si Batan na kapag natapos ang mga bagong railway, madadagagan na ang kasalukuyang one million trips na hagip ng railway system na maging 3.2 million sa taong 2022.

Read more...