3 kasabwat ng AWOL na pulis sa bigong ‘payroll robbery’ sa Cebu, naaresto na

Arestado ang tatlong lalaki na kasabwat ng AWOL na pulis sa bigong payroll robbery noong Martes, August 13 sa Barangay Tisa, Cebu.

Unang naaresto ang isang Pepe Acosta sa Sitio Laray, Barangay Maglasang sa bayan ng Consolacion, Northern Cebu bandang alas-7:00 Miyerkules ng gabi.

Dakong alas-4:00 ng madaling araw ng Huwebes ay naaresto naman sina Mark Vergara at Rico Acosta sa tinutuluyan ng mga ito sa Barangay Casili, Mandaue City.

Ayon kay Police Major Henrix Bancoleta, si Acosta ang naka-angkas sa motorsiklong minamaneho ni Police Corporal Jobie Libradilla Antipolo nang tangkain nitong agawin ang nasa P500,000 na pampasweldo ng Sarsalejo Security Agency na dala-dala ng security officer na si Edwin Velos.

Nagkaroon ng palitan ng putok sa nasabing pangyayari dahilan para tamaan ang pulis at nagresulta sa pagkamatay nito habang sugatan naman si Velos.

Nabatid naman na sina Vergara at Acosta ay kapwa security guard na kasamahan ni Velos at nagbigay ng impormasyon kaugnay sa dalaong pera ni Velos.

Read more...