Inilantad sa Senado ang umanoy “mafia” na nasa likod ng anomalya sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Sa joint hearing ng Senate Blue Ribbon at Health Committees sa pangunguna nina Senators Richard Gordon at Bong Go, walong senior officials ng PhilHealth, kasabwat ang mga ospital, ang umanoy kumukurakot ng bilyong pisong pondo.
Sinabi sa pagdinig nina Dr. Roy Ferrer, dating PhilHealth President at CEO, ang mafia na nasa ilalim ng Mindanao group, ang nagpatalsik sa mga dating opisyal ng PhilHealth kabilang si dating Health Sec. Paulyn Ubial.
Pinilit ni Senador Franklin Drilon si Ferrer na pangalanan ang anyay mafia kaya sinabi nito na kabilang sa grupo ang tatlong regional vice presidents ng PhilHealth na ayaw magpa-rotate pero hindi umano nito alam ang kanilang mga pangalan.
Nagpatulong naman si Ferrer kay Dr. Roberto Salvador Jr. na nagbitiw bilang PhilHealth board members noong Hunyo.
Ayon kay Dr. Salvador, mula sa Visayas ang isang miyembro ng grupo at tatlong iba pa mula sa Luzon.
Iginiit ni Salvador na mafia ang style ng naturang mga opisyal dahil mayroon silang impluwensya sa mga opisyal ng gobyerno at ayaw sumunod sa simpleng rotation.
Sunod nito ay binuksan ni Salvador ang isang envelope na naglaman ng pangalan ng sumusund: Khaliquzaaman Macabato, Valerie Anne Hollero, Datu Masiding Alonto Jr., William Chavez, Paolo Johanna Perez, Dennis Adre, Jelbert Galicto at Dr. Miriam Grace Pamonag.
Dahil nasa pagdinig ang mga opisyal ay agad na itinanggi ng mga inakusahan ang alegasyon sa kanila.
Dahil naman sa posibleng banta sa buhay nina Ferrer at Salvador, hiniling nina Drilin at Senador Panfilo Lacson kay Gordon na bigyan ang mga ito ng legislative immunity.