Sa isang news forum araw ng Miyerkules, sinabi ni MMDA spokesperson Celine Pialago na hindi na mababawasan ang tindi ng trapiko.
Ayaw ng MMDA na mangakong luluwag ang trapiko dahil baka singilin ng publiko ang ahensya pagsapit ng holiday season.
“Hindi na ho natin male-lessen at ayaw po nating mangako na luluwag dahil kapag nangako po kami, I’m very sure sisingilin niyo po kami pagdating ng holiday season,” ani Pialago.
Paliwanag ng MMDA spokesperson, tumataas ng 20 percent ang bilang ng mga sasakyan mula pa lang buwan ng Setyembre,
Dapat anyang magising sa katotohanan ang publiko na talagang bumibigat ang trapiko pagsapit ng ber months.
“With our figures, data, numbers that we have, these are not lying… Kailangan ho magising ‘yung mga kababayan natin sa katotohanan, bibigat po tayo on -ber months. We have to admit that and we will be honest on that,” giit ni Pialago.
Nangako naman si Pialago na gagawin ng MMDA ang trabaho nito.
Mananatili umanong visible sa publiko ang MMDA enforcers at patuloy ang pagpapatupad sa mga polisiya at paghuli sa mga lumalabag.