Mga barko ng China muling dumaan sa karagatang sakop ng bansa

Kinumpirma ng militar na muling dumaan ang lima pang barko ng China sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Ayon sa militar, armado ang naturang mga Chinese warships at hindi ipinaalam sa otoridad ang kanilang pagdaan.

“These warships, their entry to our territory should be coordinated so we informed the national leadership,” pahayag Western Mindanao Command chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana.

Ayon kay Sobejana, namataan ng Philippine Navy ang dalawang barkong pandigma ng China sa Sibutu Strait sa dalawang magkahiwalay na insidene noong buwan ng Hulyo.

Nasundan anya ito ng tatlo pang insidente ng pagdaan ng Chinese warships ngayong buwan ng Agosto.

Paliwang ng naturang opisyal ng militar, hindi inosente ang pagdaan ng mga barko ng China.

“It was not an innocent passahe kasi ang innocent passage straight line lang ‘yun. ‘Pag medyo nag-kurba that is no longer considered an innocent passage,” ani Sobejana.

Pero dagdag ng opisyal, umalis naman ang mga barko ng China nang makita ang presenya ng Philippine Navy.

Umiwas anya at lumabas sa teritoryo ng bansa ang nasabing mga barko.

Una nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na apat na beses nang may dumaan na mga barko ng China sa parehong teritoryo mula noong Pebrero.

Habang noong nakaraang linggo ay sinabi naman ng Western Command na noong Hunyo ay apat na Chinese warships ang dumaan sa karagatang sakop ng Balabac, Palawan nang hindi rin inabisuhan ang mga otoridad sa bansa.

Nagsampa na ng diplomatic protest ang Pilipinas dahil sa presensya ng mga barko ng China sa Pag-asa Island kabilang ang dalawang survey ships sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

 

Read more...