Inutos ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na isara ang bahagi ng dalampasigan ng isla ng Boracay.
Ito ay matapos na umanoy ibaon ng isang dayuhan sa buhangin ang diaper na may lamang dumi ng bata.
Kumalat sa social media ang video ng isang dayuhan na umanoy hinayaan ang isang bata na dumumi sa dalampasigan sa Boracay Station 1.
Mapapanood sa video na tila hinugasan ang bata gamit ang tubig-dagat at ibinaon ng dayuhan sa buhangin ang sinasabing ang diaper na tinanggal sa bata.
Ang hakbang ay alinsunod din sa utos ni Environment Secretary Roy Cimatu sa Boracay Inter-agency Task Force (BITF) na linisin ang lugar.
Kinumpirma ni Puyat ang utos ni Cimatu kay BITF General Manager Natividad Bernardino kaugnay ng pagsasara ng naturang bahagi ng dalampasigan.
“Sec. Cimatu instructed GM Natividad Bernardino to isolate the area, where the incident happened with markers 100 meters wide on the shoreline ‘No swimming, this area is under clean up’ for a period of 48 to 72 hours,” ayon sa mensahe ni Puyat sa INQUIRER.net.
Apela ng kalihim sa publiko, ireport ang naturang insidente para mapanagot ang lumabag sa batas.
Pagsasabihan din ng DOT ang mga turista ukol sa tamang gawi habang bumibisita sa bansa.
May ordinansa naman ang bayan ng Malay sa Aklan laban sa pagdumi, pag-ihi, pagdura, pagtatapon ng basura at vandalism sa naturang tourist destination.