Pagbuhay sa Anti-Subversion Law inalmahan ng Bayan Muna Partylist

Hindi kumbinsido sina Bayan Muna Representatives Carlos Isagani Zarate at Eufemia Cullamat sa mungkahi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na buhayin ang Anti-Subversion Law.

Ayon kay Zarate, babalik lamang sa diktadurya at dadami ang kaso ng pang-aabuso sa karapatang pantao kapag ipinatupad ang militarist proposal.

Mahigpit aniyang ipagbabawal sa ilalim nito ang kalayaan sa pagpapahayag at pagtitipun-tipon na dati nang ipinatupad sa panahon ng martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Giit ni Zarate, kapag binuhay ang Anti-Subversion Act ay marami ang huhulihin at ikukulong na inosenteng mamamayan sa harap ng lumalalang kapalpakan ng administrasyong Duterte.

Idinagdag naman ni Cullamat na ngayong nasa ilalim rin ng martial law ang Mindanao ay dapat tutulan ang panukala ng DILG dahil tiyak na mahihirapan nang ibalik ang demokrasya kapag naisakatuparan ito.

Magugunitang dalawang dekada na ang nakalilipas mula nang bawiin ang naturang batas na para sa Makabayan ay layon lamang na pigilan ang mga taong kontra sa mga polisiya ng gobyerno.

Read more...