‘No Helmet, No Travel’ policy sa Tuguegarao City sinuspinde

Sinuspinde ng pamahalaang lokal ng Tuguegarao City ang implementasyon ng “No Helmet, No Travel” policy sa lungsod.

Sa inilabas na joint official statement, sinabi nina Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano at Philippine National Police (PNP) – Tuguegarao chief George Cablarda na epektibo ito hanggang August 20, 2019.

Ito ay kasabay anila ng pagkumpirma ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kumalat na ‘ISIS information’ sa social media.

Maliban sa naturang polisiya, ipinagbawal ang pagsusuot o paggamit ng backpacks sa TugSayaw Competition, Afi Festival Dance Presentation at Miss Tuguegarao pageant sa Cagayan Sports Complex.

Tuloy din anila ang pakikipagpulong ng mga otoridad sa mga lokal na lider ng Muslim.

Pinatututukan din sa mga opisyal ng barangay ang sitwasyon sa kanilang nasasakupan.

Anila, makatutulong ang mga hakbang para matiyak ang kaligtasan ng publiko at kaayusan sa lugar, lalo na sa isang linggong selebrasyon ng Afi Festival.

Pinag-iingat din ang mga residente sa lugar.

Sakali mang may impormasyon o may makitang kahina-hinalang aktibidad, agad anilang magpadala ng mensahe o tumawag sa numero ng PNP-Tuguegarao City na 0905-800-5118 o sa Tuguegarao City Command Center sa numerong 0906-622-9924.

Read more...