Robredo nakiramay sa pamilya ng mga biktima ng Iloilo-Guimaras sea tragedy

Personal na nakiramay si Vice President Leni Robredo sa mga naiwang pamilya ng mga nasawi sa paglubog ng bangka sa Iloilo-Guimaras Strait noong August 3.

Sa mga ibinahaging larawan ng Office of the Vice President (OVP), binisita ni Robredo ang lamay ng siyam sa tatlumpu’t isang mangingisda na nasawi sa insidente, Lunes ng umaga.

Kinausap ng bise presidente ang mga pamilya sa bahagi ng Barangay De Leon sa Mandurriao district.

Dahil sa insidente ay naalala ni Robredo ang pagkamatay ng kanyang asawa na si dating Interior Secretary Jesse Robredo sa plane crash noong August 2012.

Ayon sa Pangalawang Pangulo, alam niya ang hirap na pinadaanan ng mga kaanak at mga nakaligtas gaya ng kanyang naranasang trauma nang mawala ang kanyang mister.

Binanggit nito na gaya ng pamilya ng mga namatay sa Iloilo-Guimaras sea tragedy, siya rin ay naghintay ng ilang araw bago natagpuan ang katawan ng dating Kalihim.

Samantala, pupuntahan din ni Robredo ang mga apektado ng aksidente sa Guimaras.

Matatandaang bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa pamilya ng mga biktima sa Iloilo noong nakaraang linggo.

 

Read more...