Dela Rosa aminadong tumanggap ng mga regalo noong siya ay pulis pa

Inquirer file photo

Aminado si dating Philippine National Police Chief at ngayong Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na tumanggap rin siya ng mga regalo noong siya ay pulis pa.

Reaksyon ito ng mambabatas sa pahayag ng pangulo na pwedeng tumanggap ng regalo ang mga pulis mula sa mga nagpapasalamat na benefactor basta’t hindi ito pagmumulan ng katiwalian.

Isang halimbawa anya noong siya ay hepe pa ng PNP sa Davao City kung saan marami ang nagpapadala sa kanila ng pagkain tulad ng lechon.

Imbes na isauli, sinabi ni Dela Rosa na nagpasalamat na lamang siya at hindi naman siya ipokritong tao.

Mayroon rin daw silang naresolbang kaso ng robbery at ang kanilang natulungan ay nagbigay rin sa kanila ng printer para sa kanilang police station.

Nauna nang sinabi ni Sen. Ping Lacson na dati ring pinuno ng PNP na delikado ang pagtanggap ng regalo sa mga pulis dahil ito ay nakaka-adik.

Nakasaad sa Republic Act 6713 o kilala bilang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act na bawal ang pagtanggap ng anumang uri ng regalo sa mga kawani ng pamahalaan kabilang ang mga pulis.

Bagaman walang balak si Dela Rosa na amyendahan ang batas ay kanyang ikinatwiran na praktikal lamang ang pangulo kaya payag siya sa pagtanggap ng regalo ng mga PNP personnel basta’t hindi ito nangangahulugan ng suhol o pagpalit sa isang pabor.

Read more...