Naglagay ng 60-bed medical tent ang Philippine Red Cross (PRC) sa Pagamutang Bayan ng Dasmariñas sa Cavite sa gitna ng tumataas na bilang ng kaso ng dengue.
Magugunitang isinailalim na rin sa state of calamity ang buong lalawigan.
Magsisilbing extension wards at fast lanes ang medical tents ng PRC para sa dengue patients.
Sa datos ng Cavite Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU), mula January 1 hanggang August 5 ay umabot na sa 6,232 ang dengue cases, 99 percent na mas mataas kumpara sa 3,127 cases na naitala sa kaparehong panahon noong 2018.
Sa isang pahayag, sinabi ni PRC Chairman Sen. Richard Gordon na libu-libong pasyente ang nagsisiksikan ngayon sa mga ospital.
Sa ngayon anya ay nakapagtayo na sila ng medical tents at tinitiyak na sapat ang suplay ng dugo sa pinaka-apektadong mga lalawigan.
“Tens of thousands of patients continue streaming into overcrowded hospital. All hands are on deck to address this deadly epidemic. We set up medical tents, augment the blood supply in most affected provinces, and put our ambulances on standby,” ani Gordon.
Una nang nakapagtayo ng medical tents ang PRC sa Iloilo, Capiz, at Aklan na nakapagserbisyo na sa 1,055 dengue patients.