4 arestado dahil sa indiscriminate firing

 

Inquirer file photo

Arestado ang isang pulis, isang guwardya at dalawang sibilyan dahil sa indiscriminate firing sa kasagsagan ng Kapaskuhan.

Ayon sa report na inilahad ng tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) na si Chief Supt. Wilben Mayor, apat na ang kanilang naaresto dahil sa iligal na pagpapaputok ng baril simula noong December 16 na umpisa ng bilangan ng mga insidenteng may kinalaman sa baril at paputok para sa holiday season.

Isa sa mga suspek ay ang 29-anyos na si Police Officer 1 Francis Nepomuceno Flake ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na namataang nagpaputok ng kaniyang baril sa harap ng isang kainan sa Malate, Manila noong December 22.

Nakatalaga si Flake sa NCRPO Holding and Accounting Unit sa Camp Bagong Diwa, Taguig City kung saan dinadala ang mga pulis na may nakabinbing kasong administratibo.

Ginawa ito ni Flake sa kabila ng paglalagay ng tape sa kanilang mga armas bilang pagpapakita ng kanilang pakikiisa sa kampanya laban sa indiscriminate firing ngayong holiday season.

Arestado rin ang security guard na si Jerry Masaoay Divina, 40-anyos, dahil sa ilang beses na pagpapaputok ng batil nito sa Brgy. Villavieja sa Pilar, Abra gamit ang isang homemade handgun na narekober din mula sa kaniya.

Ang dalawang sibilyan naman na naaresto ay mula sa Leyte at Dapitan City.

Bagaman apat pa lang ang naaresto, anim na talaga ang na-monitor ng PNP na iligal na nagpaputok ng baril pero ang imbestigasyon sa dalawang kaso ay nakabinbin pa rin.

Ang isa rito ay ang barangay captain sa Pagudpud, Ilocos Norte na si Erol Cimatu Calivoso, habang ang isa pa ay si Marianito Alob sa Sariaya, Quezon na nakasugat pa ng dalawang katao.

Read more...