Biktima ng paputok, umabot na sa 111

 

Inquirer file photo

Pumalo na sa 111 ang bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok ayon sa Department of Health (DOH).

Batay sa pinakahuling talaan ng DOH Lunes ng hapon, December 28, karamihan sa mga naaksidente ay mga bata at mga residente ng Metro Manila.

Nananatili namang pangunahing dahilan ng mga insidenteng ito ay ang ipinagbabawal na paputok na piccolo.

Ayon sa tagapagsalita ng DOH na si Dr. Lyndon Lee Suy, 77% ng mga kaso ay sanhi ng nasabing paputok.

Gayunman, nabatid ng DOH na mas mababa pa rin ng 27% ang mga kasong naitala ngayon kung ikukumpara sa naitala noong nakaraang taon sa parehong panahon.

Wala namang tigil ang mga ahensya ng gobyerno tulad na lamang ng DOH, Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police, at mismong Malakanyang, sa pagpapaalala sa publiko na kung maari ay iwasan na ang paggamit ng paputok upang matiyak ang kaligtasan sa pagsalubong ng bagong taon.

Payo nila, gumamit na lamang ng ibang mga pampa-ingay tulad ng torotot, kaldero, o kaya ay mag-videoke na lamang para hindi na kailanganin pang gumamit ng mga mapanganib na paputok.

Read more...