Duterte idinepensa ang mga PNP, AFP generals na may prangkisa ng STL

Screengrab of RTVM video

Walang nakitang problema si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga heneral ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakakuha ng prangkisa ng Small Town Lottery (STL) mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ang pagdepensa ay ginawa ng Pangulo sa kanyang talumpati sa anibersaryo ng PNP sa Camp Crame araw ng Biyernes.

Una rito ay sinabi ni Senator Panfilo Lacson na ilang heneral ng pulisya at militar ang nakakuha ng mga STL franchise mula sa PCSO at kabilang umano ang mga ito sa mga hindi nagre-remit ng kita sa gobyerno.

Pero ayon kay Pangulong Duterte, basta legal at sumusunod sa batas ang mga PNP at AFP generals ay walang mali kung mayroon silang STL franchise.

“Let me say this to you now. The allegation that police generals, retired, are into the STL, lotto and whatnot, I said: ‘You do not have a problem with me.’ If it’s a bidding, you participate as long it is not rigged in your favor and you secure it complying with the laws, I will not begrudge you.”

Wala ring nakitang dahilan ang Pangulo para hindi pumasok sa STL ang mga heneral kung mayroon silang mga milyonaryong kaibigan na magpopondo sa kanila.

Bilang delicadeza, ang nais lamang ng Pangulo ay walang naaagrabyado ang mga heneral sa kanilang pagnenegosyo ng STL at dapat na magpa-assign sila sa lugar kung saan wala silang operasyon ng naturang PCSO game.

 

Read more...