Sen. Franklin Drilon, may pangamba sa End Endo Bill

Kung hindi rin naman susuportahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, baka wala rin mangyari sa muling pagpasa ng End Endo Bill.

Ito ang sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon at aniya, kailangan munang matiyak ang garantiya ng Palasyo ng Malakanyang na hindi na ma-veto ang ipapasang bagong bersyon ng panukala.

Sinabi pa nito na dapat magkasundo ang National Economic and Development Authority (NEDA) at Department of Labor and Employment (DOLE) sa iisang bersyon dahil aniya magkaiba ang posisyon ng dalawang ahensiya sa panukala.

Pinuna rin ng senador na hindi kabilang ang Security of Tenure Bill sa paunang listahan ng ‘priority bills’ na isinumite sa Kongreso sa pagpupulong ng Legislative Executive Development Advisory Council o LEDAC noong Lunes.

Samantala, tiwala si Drilon na madaling makakalusot ang bagong bersyon dahil sinusuportahan ito ng mayorya at minoriya ng Senado.

Ngunit dapat ay magbigay muna ng garantiya ang Palasyo na susuportahan ang panukala para hindi na mag aksaya pa ng panahon ang mga senador sa pagbuhay sa End Endo Bill.

Read more...