Kanselasyon ng Comelec sa nominasyon ni Cardema welcome sa Kabataan Partylist

Ikinatuwa ng Kabataan Partylist ang naging pasya ng Commission on Elections (Comelec) na kanselahin ang nominasyon ni Ronald Cardema bilang kinatawan ng Duterte Youth.

Ayon kay Kabayaan Rep. Sarah Elago, welcome sa kanilang desisyon ng komisyon dahil sa hindi naman ang sektor ng mga kabataan ang kinakatawan nito kundi mayroon lamang pansariling interes.

Sinabi ni Elago na sa kagustuhan ng Duterte Youth na maisulong ang sariling interes ay tinangka nitong paglaruan at baluktutin ang Partylist Law maging ang Omnibus Election Code sa pagtatalaga kay Cardema bilang kinatawan.

Iginiit ng mambabatas na ang hakbang na ito ni Cardema ay hindi magandang halimbawa para sa mga kabataan.

Sa naging pasya ng first division ng Comelec, sinabi nito na hindi maaaring maging nominee ng Duterte Youth si Cardema dahil nasa edad 34 na ito gayung sa ilalim ng Partylist Law ay dapat na 25 hanggang 30 taing gulang lamang ang maaring kinatawan ng youth sector.

Lumabag din sa Comelec resolution si Cardema dahil sa material representation matapos nitong ideklara sa kanyang Certificate of Acceptance na kwalipikado siya bilang maging nominado.

 

Read more...