Inanunsyo ni Transportation Secretary Arthur Tugade na sinibak sa pwesto ang apat na opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) at 2 opisyal ng Maritime Industry Authority (Marina) kasunod ng aksidente Iloilo Strait.
Matatandaan na 31 katao ang nasawi sa paglubog ng 3 bangka noong nakaraang linggo.
Nakipag-kita si Tugade sa mga kaanak ng mga namatay na nakaburol sa provincial gymnasium sa Guimaras araw ng Miyerkules.
Kabilang sa mga tinanggal sa pwesto sina Cmdr. Perlita Cinco at Cmdr. Joe Luviz Mercurio na mga Coast Guard station commanders sa Iloilo at Guimaras.
Sinibak din ang mga duty officers na nakatalaga noong nangyari ang insidente.
Tinanggal din sina Marina Western Visayas director Rizal Victoria at ang regional franchising officer ng ahensya.
Paliwanag ni Tugade, tinanggal ang mga opisyal habang iniimbestigahan ang paglubog ng Chi-Chi, Keziah at Jenny Vince sa karagatang sakop ng Iloilo at Guimaras noong August 3.