Magdo-doble kayod ang Mababang Kapulungan para sa deliberasyon ng panukalang 2020 national budget upang mapabilis ang pagpapatibay nito.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, kahit Huwebes at Byernes ay magtatrabaho sila para mabilis na matapos ang panukala.
Sinabi nito na maraming holidays ngayong buwan ng Agosto kaya’t kahit pa sa labas ng Batasang Pambansa ay papayagan niyang maghearing ang mga komite.
Kailangan lamang aniya na humanap ng disente at murang lugar pero hangga’t maaari ay hindi sa hotel isasagawa ang budget hearings.
Maliban dito, sinabi ni Cayetano na gagawin na ring sabay-sabay ang mga pagdinig ng mother committees at sub-committees pero pinapayuhan ang mga mambabatas na limitahan lang ang pagdalo sa dalawa hanggang tatlong pagdinig upang makabahagi ng kanilang expertise o kaalaman sa tinatalakay.
Inaasahan ni Cayetano na maisusumite sa kanila ng Malakanyang ang 2020 General Appropriations Bill sa pagitan ng Agosto 16 hanggang 20 o mas maaga pa.