Pasaporte ng Chinese tourist tatatakan ng stamp na may mapa ng Pilipinas

Aprubado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na lagyan ng stamp ng mapa ng Pilipinas ang pasaporte ng mga Chinese na bibisita sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, kasama sa mapa ang teritoryo ng Pilipinas sa South China Sea.

Sinabi ni Panelo na iprinisenta ni Locsin sa Cabinet meeting Lunes ng gabi ang bagong disenyo ng stamp.

Sinabi ni Panelo na sa naturang paraan ay maipapakita ng Pilipinas sa China na iginigiit ng bansa ang pagmamay-ari sa naturang teritoryo.

“Mayroong mapa ng Pilipinas na ilalagay kung saan nandoon ‘yung lahat ng ating teritoryo pati ‘yung mga pinag-aawayan… sa stamp mismo,” ani Panelo.

Dagdag ni Panelo, naniniwala kasi si Pangulong Duterte na kung mahigpit ang China sa mga Filipino sa pagpasok sa kanilang bansa ay dapat na ganito rin ang gawin ng Pilipinas sa mga Chinese.

Ayon pa kay Panelo, maipapatupad ang bagong proseso sa mga Chinese sa loob ng taong ito.

 

Read more...