Huling namataan ang bagyo sa layong 730 kilometro Silangan ng Calayan, Cagayan o 675 kilometro Silangan ng Basco, Batanes.
Taglay na ngayon ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 110 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 135 kilometro bawat oras.
Nakataas na ngayon ang Tropical Cyclone Warning Signal no. 1 sa Batanes at Babuyan Group of Islands kaya’t inaasahan ang may kalakasang bugso ng hangin sa naturang mga lugar.
Patuloy na hahatakin at papalakasin ng bagyo ang Habagat na magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa.
Bukas, August 7, makararanas ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan ang Hilagang bahagi ng Palawan kasama na ang Calamian at Cuyo Islands, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Romblon, Cavite, Batangas, Laguna, Zambales, Bataan, Aklan, at Antique.
Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat naman ang mararanasan sa Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon, Central Visayas at Western Visayas.
Sa Huwebes, August 8, makararanas ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan ang Hilagang bahagi ng Palawan kasama na ang Calamian at Cuyo Islands, Occidental Mindoro, Batangas, Cavite, Bataan, Zambales, Pangasinan at Ilocos Region.
Maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat naman ang mararanasan sa Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon, at Western Visayas.
Samantala, bukod sa Bagyong Hanna, dalawang sama ng panahon pa ang binabantayan ng PAGASA sa kasaukuyan.
Ang bagyong may international name na ‘Krosa’ ay nasa layong 2,215 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon o nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Taglay ng tropical storm ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 90 kilometro bawat oras.
Kumikilos ito sa direksyong Hilagang-Kanluran sa bilis na 10 kilometro bawat oras at hindi naman inaasahang papasok sa PAR.
Isang low pressure area (LPA) naman ang namataan sa loob ng PAR, sa layong 260 kilometro Kanluran Hilagang-Kanluran ng Iba, Zambales o 295 kilometro Kanluran ng Dagupan, Pangasinan.
Hindi inaasahang magiging bagong bagyo ang LPA sa loob ng PAR.
Mapanganib at ipinagbabawal ngayon ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng mga lugar na nasa signal no.1 at sa eastern at western seaboards ng Northern at Central Luzon, seaboards ng Southern Luzon at Visayas, at northern at eastern seaboards ng Mindanao.