P3.4M na halaga ng shabu nasabat sa Pasay

Courtesy of NCRPO-PIO

Nasabat ng pinagsanib na pwersa ng NCRPO Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) at Manila Police District Station 9 Drug Enforcement Unit ang aabot sa P3.4 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation sa parking area ng Harbor Square sa Pasay, madaling-araw ng Miyerkules.

Ayon sa pulisya, timbog sa operasyon ang tatlong drug suspects na nakilalang sina Graciano Rombo, 34 anyos, Roderick Pisig, 35 anyos at Alican Pagayaw, 31 anyos.

Isang cover agent ng RDEU ang nakipagtransaksyon sa mga suspek at nagdala ang mga ito ng 500 gramo ng shabu na nakalagay sa limang plastic ng yelo.

Isasagawa dapat ang bentahan sa isang condominium sa Parañaque ngunit nagbago ng plano ang mga suspek dahil masyado itong malapit sa Camp Bagong Diwa.

Hinihinalang galing ang mga iligal na droga na ibinebenta ng mga suspek sa Cavite.

Ayon sa NCRPO-RDEU, modus ng mga suspek na magbenta ng droga sa mga big-time drug pushers na umuupa sa iba’t ibang condominiums sa Metro Manila.

Ginagawa umanong safehouses at hideout ang mga condominiumns upang hindi masawata sa kanilang iligal na gawain.

Magugunitang maraming anti-illegal drug operations na ang naisagawa ng NCRPO-RDEU sa iba’t ibang condominiums sa Metro Manila.

Sasampahan ang mga suspek ng mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Read more...