Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, matapos ang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting sa palasyo napagkasunduan nilang magsagawa ng regular na buwanang pagpupulong upang matiyak na maaaprubahan ang lahat ng priority measures ni Pangulong Duterte.
Tinitiyak ng small group na binuo na ang regular na pagpupulong ay magbibigay ng magandang ugnayan at koordinasyon sa Kongreso at mga cabinet members upang masigurong mabilis ang pag-facilitate at pag-harmonize sa mga panukala lalong lalo na ang mga itinuturing na priority measures ng pangulo.
Sinabi ni Romualdez na hindi nila sasayangin ang oras, pagod at salapi ng bayan para sa pagapruba ng mga mahahalagang panukalang batas.
Makikipagtulungan din ang Kongreso sa Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) upang alertuhin sila sakaling may mga probisyon sa mga panukala na kakailanganin ng masusing talakayan sa pagitan ng mga house members.
Kabilang sa mga inisyal na priority measures na napagkasunduan ng small group na aprubahan agad bago ang session break ay ang 2020 national budget, pagtatatag ng Department of Overseas Filipino Workers (OFWs), pagamyenda sa Public Service Act, pagpapataw ng mas mataas na excise tax rates sa alcohol, pag-institutionalize ng “Malasakit centers” at paglikha ng Tax Reform for Attracting Better and High-Quality Opportunities or Trabaho.