Nagbanta ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF na handa silang maglunsad ng mas marami pang mga pagsalakay kontra sa mga sundalo sa gitnang Mindanao.
Ito’y matapos akuin ng BIFF ang pagsalakay sa mga probinsya ng Sultan Kudarat, Maguindanao at North Cotabato noong nakaraang December 25 na ikinamatay ng siyam katao kabilang na ang mga sibilyan.
Ayon kay Abu Misry Mama, tagapagsalita ng BIFF, dapat maghanda na ang mga sundalo sa kanilang mga gagawing pagsalakay dahil ayaw nilang manatili pa ang mga sundalo sa kanilang lupain.
Gayunman, sinabi ni Capt. Joan Petinglay, tagapagsalita ng 6th Infantry Division, na nag-iingay lamang ang BIFF upang ipakita na isang malaking grupo pa rin ang kanilang samahan.
Ngunit sa katotohanan aniya, halos maubos na ang puwersa ng BIFF sa kasalukuyan dahil sa sunud-sunod na opensiba ng militar noong nakaraang January kontra sa bandidong grupo.
Noong bisperas ng Pasko, walong magsasaka ang nasawi nang halos sabay-sabay na salakayin ng may 300 BIFF ang ilang mga lugar sa boundary ng Esperanza at Datu Abdullah Sangki sa Maguindanao.
Isa namang grupo ang sumalakay sa Pigkawayan North Cotabato kung saan isang Barangay kagawad ang nasawi.
Pinaputukan din ng mga ito ang isang simbahan sa kasagsagan ng simbang gabi.
Gayunman, giit ni Mama na hindi mga sibilyang kung hindi mga militia ang kanilang napatay.