Nasa 50 mga kabataang kasapi ng grupong ‘Kalayaan Atin Ito’ ang nakarating na sa isla ng Pag-asa at nagsimula nang magkampo sa naturang lugar.
Ang paglalayag ng grupo ay bahagi ng kanilang kampanya na ipakita na bahagi ng Pilipinas ang naturang isla at ang mga lugar na inaangkin ng China sa West Philippines Sea.
Ayon kay Joy Ban-eg, coordinator ng grupo, 47 sa kanilang mga kasama ang nakarating sa isla na bahagi ng Spratly Group of Islands noong Sabado at mananatili hanggang ngayong araw ng Lunes. Mula sa Palawan, naglayag ang mga ito noong bisperas ng Pasko at nakarating sa isla makalipas ang mahigit 11 oras na byahe sakay ng pumpboat.
Samantala, kinilala naman ng Malacañang ang ipinakitang pagkamakabayan ng mga kabataan ngunit pinayuhan pa rin ang mga itong humanap ng ibang paraan upang ipakita ang kanilang pagmamahal sa bayan.
Una nang nagpahayag ng pangamba ang pamahalaan na malagay sa panganib ang buhay ng mga kabataan sa gagawing pagbyahe sa isla ng Pag-asa.
Matatandaang , balak sana ng grupo na magpadala ng hanggang 10,000 volunteers sa Pag-asa island upang ipakita ang pagkondena sa pang-aangkin ng China sa mga isla at bahura na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.