Sa 11p.m. Pagasa advisory, dakong alas 10:00 ng gabi ay huling namataan ang Bagyong Hanna 810 kilometers East ng Aparri, Cagayan o 825 kilometers East ng Calayan, Cagayan.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na 85 kilometers malapit sa sentro at bugsong aabot hanggang 105 kilometers.
Ayon sa Pagasa, mabagal ang kilos ng bagyo at maliit ang tsansa na mag-landfall o tumama ito sa anumang bahagi ng bansa.
Ang binabantayan namang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ay naging ganap ng Tropical Depression pero hindi ito inaasahang papasok sa PAR at walang epekto sa bansa.
Habang ang isang shallow low pressure area (SLPA) sa kanlurang bahagi ng Pilipinas ay wala ring epekto sa bansa.
Hanging Habagat ang patuloy na magdadala ng kaulapan na may pagkidlat, pagkulog kaya asahan ang moderate hanggang heavy rains sa Southern Luzon at Western Visayas.
Partikular na asahan ang katamtaman hanggang malakas na ulan sa Mindoro, Antique, Aklan, Romblon at Hilagang bahagi ng Palawan (kabilang ang Calamian at Cuyo Islands).
Magiging maulap naman ang panahon na may pag-uulan at thunderstorms sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, Cordillera, Ilocos Region at Bicol Region.