“Hustisya sa Dengvaxia, dapat unahin” sa ‘WAG KANG PIKON ni JAKE MADERAZO

Marami ang nagpapanukala na ibalik daw ang Dengvaxia nang ideklara ng DOH ang Nationwide dengue alert. Simula Enero hanggang July 15, umabot sa 116,000 ang nagka-dengue kung saan 491 ang namatay. Mas mataas ng 86% kumpara sa 57,564 cases noong 2018.

Sina dating DOH sec. ngayo’y Iloilo Congresswoman Janette Garin at ang Doctors for Truth and Public Welfare (DTPW) ay nanawagan na ibalik ang Dengvaxia para sugpuin ang dengue. Si Palace spokesman Salvador Panelo ay nagsabing bukas ang Pangulo sa panukala “kung ito’y sa ikabubuti ng publiko”. Dinagdag pa ni Panelo na “hindi uulitin ng Palasyo ang pagkakamali ng nakaraang administrasyon.

Pero, isang US Expert, si Dr. Scott Halstead, ay nagsabing hindi dapat payagan ng Pilipinas ang Dengvaxia hangga’t walang ginagawang pagbabago ang Sanofi sa bakuna. Si Dr. Halstead ang unang nagbabala sa Aquino administration na huwag gamitin ang Dengvaxia noong 2015 pero binalewala .

Kung susuriin, ang pinakabagong balita sa Dengvaxia ay nitong Mayo 1, nang payagan ito ng US Food and Drug Administration (USFDA) sa lahat ng batang edad 9 hanggang 16 na merong “laboratory confirmed previous dengue infection”. Ibig sabihin, mga batang dati nang nagkaroon ng dengue. Ayon din sa USFDA, hindi aprubado ang paggamit ng Dengvaxia sa mga batang hindi pa nagkaka-Dengue at kailangang suriin muna sa “blood testing” kung sero-negative o sero-positive bago turukan.

Napakahalaga ng bagong resultang ito ng USFDA sa Dengvaxia. Inilantad nito ang napakalaking kapalpakan ng Aquno administration at dating Health Secretary Janette Garin sa inilunsad nilang “school based mass vaccination noong Abril 2016. Bakit nila pinayagan maturukan ang higit 800,000 mga elementary students nang hindi man lamang tinanong kung nagkaroon na sila ng dengue o hindi pa? Ngayong sinasabi ng USFDA na may panganib ito sa mga pasyenteng hindi pa nagkakaroon ng Dengue, ilan sa 800,000 kabataan noong 2016 ang ngayo’y nasa panganib ?

Ayon sa PAO, 142 katao na ang namatay dahil sa Dengvaxia, 139 dito ay kabataan at tatlong adults. Meron ding report ng 3,281 kataong naospital matapos saksakan ng Dengvaxia, 1,967 dito ay nagkaroon ng Dengue. Nagsampa ng kaso ang PAO sa DOJ vs. Garin, DOH offiials at Sanofi Pasteur, at nitong Marso 1, may 127-pages decision ang Panel of Prosecutors. Ayon dito, mayroong “probable cause” laban kina Garin at iba pa sa kasong “reckless imprudence resulting to homicide”. Pinuna din ang “inexcusable lack of precaution and foresight” at “undue haste” sa pagbili ng P3.2B Dengvaxia vaccine, purchase request ng Enero 2016, bilihan agad Marso 2016 o dalawang buwan..

Sa ngayon ang ilang kaso ay nasa “regional trial courts” sa Quezon City, Caloocan City, Muntinlupa City, Laguna and Bataan. Hiniling ng PAO sa Korte Suprema na magtatag ng “special family court” upang i-consolidate o pag-isahin ang lahat ng kaso laban sa Dengvaxia vaccine.

Sa totoo lang, maliwanag ang kwento ng bakunang Dengvaxia . Bakit ginawa itong “school based mass vaccination” nina Pnoy Garin, DOH, FDA at Sanofi, gayong may panganib pala sa mga batang di pa nagkaka-dengue? Lumilitaw tuloy na pumayag ang Aquino Administration na gawing “eksperimento” ng Dengvaxia at Sanofi-Pasteur ang ating mga walang kamalay-malay na estudyante at magulang. At ang masakit, sinagasaan ang lahat ng patakaran ng gobyerno, magkabayaran lang ng P3.2B sa bakunang kulang pa noon ang kaalaman.

Read more...