Pangulong Duterte at Pres. Xi, may bilateral talks sa China ngayong buwan

FILE PHOTO

May nakataktang bilateral talks sina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping ngayong buwan ng Agosto sa China.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na maaring talakayin ng dalawang lider ang mga maiinit na isyu na bumabalot ngayon sa pagitan ng China at Pilipinas kaugnay sa sigalot sa West Philippine Sea.

Lahat aniya ng suliranin ng bansa gaya ng problema sa Scarborugh shoal o Panatag Shoal pati na ang nangyaring insidente sa Recto Bank kung saan binangga ng Chinese crew ang bangka ng 22 mangingisda ay maaring matalakay sa bilateral talks.

Hindi rin aniya maalis ang posibilidad na matanong ni Pangulong Duterte si President Xi kaugnay sa inihaing diplomatic protest ng Pilipinas sa China dahil sa Recto Bank incident.

Nasa agenda rin ng pagpupulong ng dalawang lider ang dati nang pinag-uusapan ng dalawang bansa gaya ng trade relations, people to people, pati na ang tulong na ibinibigay ng China sa Pilipinas.

Sa ngayon, sinabi ni Panelo na wala pang eksaktong petsa ang pagbisita ni Pangulong Duterte sa China.

Kung matutuloy, ito na ang magiging ikalimang pagbisita ni Pangulong Duterte sa China.

Working visit aniya ang pagbisita ng pangulo sa China.

Ayon naman kay Senador Bong Go, maaring sa huling linggo ng Agosto ang pagbisita ni Pangulong Duterte sa China para mapanood na rin ang laban ng Gilas Pilipinas na nakapasok sa Fiba World Cup.

 

Read more...