Nilinaw punto por punto ni Medialdea ang nilalaman ng column ni Tulfo na may titulong “Self-purgation should start with the Cabinet,” na nailathala sa Manila Times noong July 25.
Itinanggi ng kalihim na hindi siya kumilos para sa apila ng isang Felicito Mejorado na makuha ang kanyang P272 million reward money mula sa gobyerno.
Ang pabuya ay para sa pagbibigay impormasyon ni Mejorado sa smuggling operations sa Mariveles, Bataan noong 1997.
Paliwanag ni Medialdea, hindi isang taon kundi tatlong buwan lang na nagtagal ang apila ni Mejorado sa Office of the President matapos itong matanggap noong nakaraang April 5.
Dagdag nito, inabisuhan agad ang Department of Finance, na unang nag basura sa hirit ni Mejorado, maging ang Department of Justice at NBI para maimbestigahan ang pagkakadawit ng isang Vianney Garol.
Humirit diumano si Garol ng P72 million mula sa reward money at aniya ito ay hiningi ni Medialdea.
Ukol naman kay Garol, itinanggi ni Medialdea na kakilala niya ito at base sa Malacañang Records Office naitalaga ito bilang Project Development Officer II sa Office of External Affairs – Davao noong August hanggang December 2005.
Pagdidiin ni Medialdea malisyoso at lubhang mapanira ng reputasyon ang mga isinulat ni Tulfo kaya’t aniya muli siyang maghahain ng panibagong kaso ng libelo laban sa huli ngayong darating na linggo.
Noong nakaraang Hunyo, sinampahan na rin ng libelo ni Medialdea si Tulfo bunsod naman sa isa pang artikulo na isinulat nito para sa Manila Times.