Kahit may pag-ulan ay itinuloy ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang clearing operations sa Quezon City, Pasay at Parañaque Sabado ng umaga.
Sa lungsod ng Quezon ay maaga ang panghuhuli ng mga MMDA constables sa mga pasaway na tricycle at pedicab drivers sa Scout Borromeo paikot sa mga kalapit na lansangan.
Binigyan rin ng traffic violation ticket ang mga may-ari ng mga kotseng nakaparada sa mga kalye.
Hinakot rin ng MMDA ang mga nakaharang na mga istraktura sa gilid ng mga kalsada.
Sa Libertad sa Pasay City ay ginalugad ng mga tauhan ng MMDA ang mga lugar ng ilang illegal vendors.
Ganun rin ang kanilang ginawa sa Baclaran area na muli na namang bumigat ang daloy ng trapiko dahil sa mga nakaharang na mga paninda sa lugar.
Sinabi ni Memel Rojas, pinuno ng Team Bravo ng MMDA Task force Special Operations na kanilang sisirain at hindi na ibabalik sa mga nagtitinda ang mga nakumpiskang kalakal.