Sablan, Benguet nagdeklara ng state of emergency dahil sa pagtaas ng kaso ng rabies

File photo

Nagdeklara ng state of emergency ang pamahalaang lokal ng bayan ng Sablan sa Benguet dahil sa pagtaas ng kaso ng rabies.

Sa isang pulong balitaan araw ng Biyernes, sinabi ni Sablan vice-mayor Arthur Baldo na ang pagsasailalim sa kanilang bayan sa state of emergency ay para makagawa ng mga hakbang at estratehiya na makapipigil sa pagkalat ng rabies.

Batay sa tala ng pamahalaang lokal, lima katao ang nakagat ng aso dahilan para ma-expose sa virus ang 48 katao.

Sa limang kaso, tatlo ang nakumpirma sa Barangay Poblacion matapos ang pagsusuri na isinagawa ng municipal agriculture office.

Ang mga aso ay nasa kustodiya na ng municipal agriculture workers.

Dahil sa deklarasyon ng state of emergency, magagamit ang quick response fund upang ipambili ng mga bakuna para sa mga hayop at tao at iba pang kakailanganin sa palalakasing vaccination program.

Credit: Vice Mayor Arthur Baldo

Sinabi naman ni Baldo na bago pa man tumaas ang kaso ng rabid bites at exposure sa higit 40 katao, nakapagbakuna ng 1,700 aso ang pamahalaang lokal sa Barangay Poblacion sa nakalipas na mass vaccination program.

 

Read more...