Nagdeklara na ng state of calamity, kahapon, araw ng Biyernes, ang Sangguniang Panlungsod ng Tacloban dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa lungsod.
Ayon kay Tacloban Vice Mayor Jerry Yaokasin, ang deklarasyon ng state of calamity ay hiniling mismo ni Mayor Alfred Romualdez matapos ang rekomendasyon ni City Health Officer Dr. Jaime Opinion.
Dahil dito, magagamit na ng pamahalaang panlungsod ang kanilang Quick Response Fund na aabot sa P21 milyon para ipambili ng kinakailangang mga gamit para puksain ang dengue.
Batay sa ulat ng City Health Office (CHO), mula January 1 hanggang July 26, lampas na sa alert at epidemic threshold ang kaso ng dengue sa Tacloban na umabot na sa 750.
Ang naturang bilang ay 254 percent na mas mataas sa naitalang kaso sa kaparehong panahon noong 2018.
Una rito, nanawagan si Romualdez sa publiko na dalhin sa pinakamalapit na Health Center ang mga pinaghihinalaang may dengue.
Tiniyak ng alkalde na gagawin ang lahat ng hakbang para maibigay ang kinakailangang atensyon para sa dengue patients.
Inatasan ni Romualdez ang CHO na magsagawa ng libreng dengue rapid test, medical consultations at iba pang kaukulang health interventions sa pitong health center ng lungsod.