Implementasyon ng provincial bus ban sa EDSA ipinatigil ng korte

Ipinatigil ng isang korte sa Quezon City ang pagbabawal o ban sa biyahe ng mga provincial bus sa EDSA.

Sa 25 pahinang desisyon na may petsang July 31, naglabas si Judge Caridad Walse-Lutero ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 223 ng preliminary injunction laban sa Memorandum Circular No. 2019-001 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Layon sana ng naturang LTFRB memorandum na amyendahan ang mga ruta ng mga provincial bus at ipagbawal ang kanilang pagbiyahe sa EDSA.

Naglabas din ang korte ng preliminary injunction laban sa alituntunin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung saan inalisan ng business permits ang mga terminal ng mga pampublikong sasakyan na nasa naturang pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Pinasasagot din ang LTFRB at MMDA kaugnay ng exemption ng mga Point to Point (P2P) buses sa pagbabawal na ayon sa korte ay “unreasonable” dahil pareho ang laki ng mga ito sa regular na bus.

Ayon sa korte, mayroong sapat sa dahilan para itigil ang provincial bus ban at magtakda ng mga hearing para dinggin ang kaso.

Nakatakda sanang maging epektibo ang ban sa Miyerkules August 7 sa layong lumuwag ang daloy ng trapiko sa EDSA.

Pero dumulog sa korte ang 18 transport groups para ipatigil ang provincial bus ban.

Mayroong hanggang August 14 ang Office of the Solicitor General (OSG), bilang legal counsel ng LTFRB at MMDA, para sagutin ang utos ng korte.

 

Read more...