Anomalya sa Philhealth dapat agad maimbestigahan ng Kamara ayon sa minority group

Hinikayat ng minorya sa Kamara na iprayoridad ang imbestigasyon saanomalya sa Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth.

Hindi na natuloy ng Mababang Kapulungan ang planong imbestigasyon noong 17th Congress kaugnay sa ghost dialysis anomaly ng PhilHealth dahil kulang na rin sa panahon.

Naghain ang minorya sa Kamara ng dalawang resolusyon na nagpapakilos sa House Committee on Good Government and Public Accountability na imbestigahan ang alegasyon ng iregularidad at korapsyon sa ahensya.

Ayon kay House Minority Leader Benny Abante, layunin ng imbestigasyon na linisin ang ahensya upang sa gayon ay matiyak na ang resources ng Universal Health Care ay magagamit sa tama at sa mga tunay na benepisyaryo.

Aalamin sa pagsisiyasat kung magkano ang kabuuang financial resources na nagamit sa anomalya at kung gaano kalawak ang katiwalian sa Philhealth.

Binigyang diin naman ni House Deputy Minority Leader Janette Garin na agad sisimulan ang imbestigasyon sa oras na mabuo ang komite.

Tiniyak din ni Garin na hindi titigil ang Minorya na alamin ang mga sanhi ng katiwalian sa Philhealth at pagsusulong ng reporma dito.

Read more...