Pinagpapaliwanag ng isang kongresista ang kontraktor ng MRT-7 dahil sa delayed na konstruksyon nito na nagdudulot ng ibat ibang problema sa mga commuters at matinding pagsisikip ng daloy sa trapiko.
Ayon kay Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo, ang delayed project ng MRT-7 ay nagdudulot na ng sakit sa ulo ng mga pribado at pampublikong commuters dahil na rin sa mabagal na daloy ng trapiko dulot ng mahabang U-turn slots
Giit ng kongresista dapat na masolusyunan agad ang mga binuksang U-turn slots na wala namang abiso sa mga motorista.
Hinikayat din niya ang kontratista ng MRT-7 na madaliin ang kontrobersyal na proyekto at ipaliwanag ano ang dahilan ng mabagal na konstruksyon na dapat ay natapos na noong nakaraang taon pa.
Paliwanag ni Castelo, nag commit ang MRT-7 na tatapusin ang proyekto noong Hulyo 2019 sa kanilang mga meeting subalit nabigo umanong sumunod ang kumpanya kaya nagdudusa ang mga commuters.
Umapela din si Castelo sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mag deploy ng mga traffic enforcer sa mga lugar na matindi ang pagsisikip na daloy ng trapiko lalo na sa Commonwealth Avenue.