Inilagay ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang Luzon power grid sa yellow alert sa ikatlong pagkakataon ngayong buwan.
Ginawa ito ng NGCP, dahil sa scheduled power plant maintenance at mababang capacity mula sa Malampaya gas field ayon sa isang opisyal ng Manila Electric Company (Meralco).
Ang yellow alert ay nangangahulugan na bumagsak ang power supply ng mas mababa sa required na 647 megawatts na kapasidad na kailangan para maiwasan ang brown out sa isang power grid sakaling isa sa planta nito ang bumigay.
Sa report ng Philippine Daily Inquirer, at sinabi ni Meralco Spokesman Joe Zaldarriaga na ginawa ng NGCP ang deklarasyon para sa 10am to 11am at 3pm peak demand ng Biyernes pero na-extend ito hanggang alas 10:00 ng gabi.
Base sa tala ng NGCP, pumalo lamang sa 526 megawatts ang reserve power sa Luzon grid bandang alas 11:00 ng umaga.
Ito na ang pangalawang yellow alert sa Luzon mula noong nakaraang linggo at pangatlo ngayong buwan.
Samantala, may naka-schedule naman na maintenance outage ngayong araw at nag-emergency shutdown ang unit 1 ng 600 megawatt na CALACA power plant na naging dahilan para mabawasan ng 240 megawatt ang sistema./ Alvin Barcelona