37 patay sa pag-atake sa 5-star hotel sa Tunisia

(updated) Tunis, Tunisia — 37 na ang patay sa pamamaril na naganap sa beachfront resort sa Tunisia.

Gamit ang baril na itinago sa loob ng beach umbrella, nagpaputok ang suspek sa mataong resort.

Naganap ang insidente sa tanyag na Mediterranean resort na Riu Imperial Marhaba Hotel sa Sousse.

Halos kasabay ng insidente ang pag-atake ng isang suicide bomber sa Shiite mosque sa Kuwait na ikinasawi naman ng 25 katao, at pagpapasabog sa isang pabrika sa France na ang isang biktima ay pinugutan pa ng ulo.

“There are 37 dead and 36 wounded. Some of the wounded are in a critical condition,” ayon kay ministry communications chief Chokri Nafti ng Tunisia.

Sa pahayag naman ng tagapagsalita ng five-star hotel, karamihan sa 565 guests ng hotel ay mula sa Britain at sa iba pang “central European countries”.

Kinumpirma naman ni Dublin Foreign Minister Charles Flanagan na isang Irish woman ang kabilang sa nasawi.

Sa imbestigasyon, tinarget ng suspek ang hotel at pinagbabaril ang mga turista. Napatay din ang suspek ng mga rumespondeng otoridad.

Isa umanong Tunisian student ang suspek na hindi pa nakikilala sa ngayon.

Ito na ang itinuturing na pinakamatinding pag-atake sa Tunisia matapos ang insidente noong Marso sa Bardo National Museum kung saan 21 dayuhan at isang pulis ang namatay./Dona Dominguez-Cargullo

Read more...