Idinahilan ng Bureau of Immigration (BI) ang paglago ng bagong paraan ng pagsusugal at turismo sa pagdami ng mga Chinese nationals sa bansa.
Ayon kay Dana Sandoval, ang tagapagsalita ng kawanihan, patok ngayon ang offshore gaming operations at marami sa mga namumuhunan ay pinipili ang Pilipinas bilang lugar ng kanilang negosyo.
Samantala, dahil epektibo ang kampaniya sa industriya ng turismo, maraming Chinese nationals din ang nahihiyakat na bumisita sa bansa.
Dagdag pa ni Sandoval hindi naman na bago ang influx ng foreign national dahil may panahon din na dumagsa ang mga South Korean nationals para samantalahin naman ang English tutorial sa bansa.
Aniya hindi rin lang naman dito sa Pilipinas dumadagsa ang mga Chinese tourists.
Samantala, sinabi ng opisyal na nirerespeto nila ang mga sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., na maituturing ng ‘security threat’ ang patuloy na pagdami ng bilang ng mga Chinese nationals sa Pilipinas.
Pagtitiyak naman ni Sandoval na nagsasagawa sila ng monitoring sa mga bisitang Chinese nationals.