Ayon sa memorandum na nilagdaan ni Director General Jim Sydiongco ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), simula ngayon, August 1 ay libre na ang mga estudyante sa terminal fee sa lahat ng paliparan na ino-operate ng CAAP.
Sakop ng kautusan ang mga estudyante na naka-enroll sa preschool hanggang college kabilang ang mga naka-enroll sa trade/arts/technical/vocational schools at training centers.
Ang mga kwalipikadong estudyante ay kailangang mag-apply ng student exemption certificate sa Malasakit Help Desks sa mga paliparan para makapag-avail ng libreng terminal fees.
Ang mga mag-aaral na may nakatakda nang flights ngayong araw, August 1 at nakabili na ng tickets ay maaring makakuha ng refund sa binayarang terminal fee na nakasama na sa kanilang airline tickets lalo na kung binili ito online.
Ayon sa CAAP, lahat ng Malasakit Help Desks sa mga paliparan ay magsisilbing refund counters hanggang sa magkaroon na ng sistema ang mga airline company para maibigay ang exemption sa kanilang booking system.