Bagyo sa labas ng bansa at LPA na nasa loob ng PAR binabantayan ng PAGASA

Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang isang tropical storm na nasa labas ng bansa na humahatak sa Habagat.

Ang bagyong may international name na Wipha ay huling namataan sa 1,195 kilometers West ng Extreme Northern Luzon.

Anumang oras ay tatama sa kalupaan ng southern part ng China ang naturang bagyo.

Hinahatak ng naturang bagyo ang Habagat kaya naaapektuhan ng monsoon rains ang kanlurang bahagi ng Luzon.

Dahil sa Habagat, ang Pangasinan, Zambales, at Bataan ay makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.

Bahagyan naman nang sisilip ang araw sa Cordillera, Ilocos Region, Cagayan Valley, nalalabi pang bahagi ng Central Luzon, Calabarzon at sa Metro Manila.

Magkakaroon lamang ng mga pag-ulan sa hapon o gabi dahil sa localized thunderstorms.

Samantala, ang Low Pressure Area naman na nasa loob ng bansa ay huling namataan ng PAGASA sa layong 460 kilometers east ng Virac, Catanduanes.

Dahil sa trough ng naturang LPA ang buong Bicol Region, Eastern Visayas, CARAGA Region at Davao Region ay uulanin ngayong araw.

Hindi naman inaasahang magiging isang ganap na bagyo ang nasabing LPA.

Sa Palawan at sa iba pang bahagi ng MIMAROPA at nalalabi pang bahagi ng Visayas at Mindanao ay magiging maaliwalas din ang panahon ngayong araw.

Read more...