Base sa House Bill 1978 ni Camarines Sur 3rd District Rep. Gabriel Bordado, hindi papayagan ang pagtakbo sa mga elective position sa pamahalaan sa iisang lugar at kasabay na halalan ang asawa o sinumang may kaugnayan hanggang 2nd degree ng consanguinity o affinity, lehitimo man o hindi, kadugo o half blood ng kasalukuyang nakaupong opisyal na tumatakbo sa re-election.
Kung national position ang target ng incumbent official, diskuwalipikado ang pamilya at kamag-anak nito sa pagkandidato sa probinsiya o lugar kung saan naka-rehistro ang opisyal.
Itinatakda rin sa panukala na ang sinumang kakandidato sa anumang elective position ay kailangang maghain ng sinumpaang salaysay sa Commission on Elections (Comelec) na siya ay mayroon o walang political dynasty relationship sa kumakandidato ring incumbent official.
Awtomatikong ipababasura sa Comelec ang certificate of candidacy o sa proklamasyon ng kandidato sa sandaling matukoy nitong karapat-dapat na madiskuwalipika dahil sa pagkakasangkot sa political dynasty.
May pagkakataon naman ang mga rehistradong botante, political party o organisasyon na maghain ng petition for disqualification sa kandidatong pinaniniwalaang lumabag sa anti-political dynasty bill.
Sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte, biniro nito si House Speaker Alan Peter Cayetano patungkol sa kung kailan matatapos ang political dynasty ng mga ito.