Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, lahat ng sangkot sa korupsyon sa PCSO ay kasama sa imbestigasyon.
Pero ayon kay Panelo, hindi kasama sa imbestigasyon si PCSO general manager Royina Garma dahil dalawang linggo pa lamang ito na nauupo sa puwesto.
Sa halip, sinabi ni Panelo na katuwang ng imbestigasyon ng Office of the President si Garma.
Ayon kay Panelo, si Garma mismo ang nagsumbong kay Pangulong Duterte na talamak ang koruspyon sa PCSO kung kaya agad na ipinasara ang gaming operations.
Samantala, sinabi naman ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) commissioner Greco Belgica na magsasagawa na sila ng lifestyle check kay Cam, PCSO chairman Anselmo Simeon Pinili, mga board member na sina Marlon Balite at Ramon Ike Seneres.
Hagip din aniya ng kanilang imbestigasyon si dating PCSO general manager Alexander Balutan.
Ayon kay Belgica, kahit na pribadong indibidwal na ngayon si Balutan, may hurisdiksyon pa rin ang PACC na imbestigahan ito dahil nangyari ang korupsyon noong siya pa ang nanunungkulan sa puwesto.
March 2019 nang magbitiw sa puwesto si Balutan matapos pumutok ang isyu ng korupsyon sa PCSO.
Una nang inaakusahan ni Cam na sangkot sa korupsyon si Balutan.
Bago naitalagang board member ng PCSO, naging whistle blower si Cam sa operasyon ng jueteng sa bansa.