Nasawi ang hindi bababa sa 18 katao habang marami pa ang nasugatan makaraang bumagsak ang isang military aircraft sa residential area malapit sa city of Rawalpindi, Pakistan, araw ng Martes.
Ayon sa rescuers, kabilang sa mga nasawi ay limang crew members at 13 sibilyan.
Ang military plane na King Air 350 ay nagsasagawa ng training flight nang bumagsak ito sa mga bahay at nagdulot pa ng sunog.
Ayon sa testimonya ng mga residente, nasusunog na ang eroplano bago pa bumagsak.
Ang Rawalpindi na malapit sa kabisera ng bansa na Islamabad ay ang lugar kung nasaan ang headquarters ng Pakistani army.
Nagpaabot na ng pakikiramay si Pakistani Parime Minister Imran Khan sa mga pamilya ng mga nasawi at nasugatan sa insidente.
Samantala, ayon kay rescue services spokesperson Farooq Butt, kinakailangang sumailalim sa DNA tests ang labi ng mga nasawi dahil mahirap na itong matukoy matapos teribleng masunog.