Arroceros Forest Park sa Maynila, nais palawakin ni Mayor Isko Moreno

Manila PIO photo

Nais ni Manila Mayor Isko Moreno na gawing green city ang Lungsod ng Maynila.

Ito ay sa pamamagitan ng pagpapalawak sa Arroceros Forest Park, ang tinaguriang ‘last lung’ ng lungsod.

Sa isang pulong kasama ang environmental groups araw ng Martes, ipinakita ni Moreno ang kanyang five-park corridor masterplan.

Plano ng alkalde na isara ang ilang kalye sa kanto ng Quezon footbridge para mapagtaniman pa ng mga puno at upang maisaayos ang problema sa trapiko malapit sa Lawton.

“I will withdraw a portion of Arroceros Street at the corner of the Metropolitan Theater and the footbridge of Quezon Bridge for public use. After converting it for public use, we will extend Arroceros Park to make it more public,” ani Moreno.

Ipagigiba ni Moreno ang mga trangkahan ng Arroceros Park dahil naniniwala siyang dapat maging bukas ito sa publiko at hindi tila naka-preso.

“I’ve always believed in an open park. Ang park hindi naka-preso,” dagdag ng alkalde.

Hihingin ni Moreno ang tulong ng Pasig River Rehabilitation Commission at City Public Works and Highways Department sa pagsasakatuparan sa kanyang plano.

Nauna nang plinano ng Erap administration na putulin ang maraming puno sa Arroceros Forest Park para bigyang daan ang konstruksyon ng isang gym.

Ibinasura na ni Moreno ang mga panukala para sa konstruksyon ng gym.

Hindi naman pinayagan ng alkalde na gibain ang opisina ng Department of Education sa Arroceros compound.

Ang Arroceros Forest Park na binuo taong 1993 ay tahanan ng 3,000 species ng mga ibon at puno.

Isinara ito sa publiko matapos okupahin ng informal settlers ang ilang bahagi nito.

 

Read more...